Sunday, July 3, 2011

Dalaw

“Ano ang nasa dako pa roon,

Bunga ng malikot na pag-iisip,

Likha ng balintataw o halaw

mula sa daigdig ng kababalaghan,

‘di kayang ipaliwanag,

Ngunit alam mong magaganap.”

Kaninang 12 am nagising ako sa isang malamig na haplos sa aking paanan. Pagmulat ng aking mata nakita ko ang isang hindi inaasahang panauhin. Matagal na rin namang panahon ang lumipas mula ng huli ko syang makita.

Kahit simula ng pagkabata ay madalas ko na silang makita, hindi pa rin maalis sa akin ang pagkagulat sa minsang biglaang pagsulpot nila sa aking paningin. Sa mahigit 30 taon na kasama namin sila sa aming bahay bibihira lang silang makita ng aking mga kapatid at magulang. Madalas ay nagpaparamdam lamang sila gaya ng pagkurot, pagtago ng ilang mga bagay o kaya ang pagsitsit.

Hindi naman sila mga bayolenteng elemento. Kadalasan pagwalang maiiwan sa bahay ay sa kanila ipinakikiusap ng aking ina ang pagbabatay sa aming tirahan. Sinabi kasi sa amin ng isang albularyo na ang aming bahay ay nakatayo sa lagusan ng mga ibang nilalang. Ilan lamang sa mga kaganapan sa amin ay ang lumulutang na kumot o kaya naman ay ang pag-uga nila ng aking higaan kapag ibig nilang magpapansin. Ang hindi ko malilimutan ay minsang bumaba ako ng bahay ng 2am at makita ko ang isang pares ng mga paa lamang na naglalakad papalapit sa akin. Dali-dali akong tumakbo paakyat ng bahay ang sumiksik sa gitna ng aking mga magulang na mahimbing na natutulog. Ang isa namang kaluluwa na aking nakita sa aming kwarto ay walang mukha ngunit ang kanyang mukha ay singliwanag ng bwan kapag ito ay nasa kabilugan.

Mula sa pagkakatalikod ng aking bisita makikita na matanda na sya ngunit sa pagharap nya ay biglang bumata ang kanyang anyo. Maganda, mahaba ang buhok, maputi at nakalutang sa hangin habang nakangiting nakatingin sa akin. Wala akong maisip na sasabihin sa kanya at ganun din naman sya. Marahil ay ganun pa rin naman ang aking magiging reaksyon gaya ng una naming pagkikita kung saan binalot ako ng takot at wala akong maunawaan sa kanyang mga sinasabi kaya minabuti na lamang niyang manahimik. Hindi rin nagtagal at bigla na lamang syang naglaho sa aking harapan.

No comments: