Ilang taon na rin ang nakalilipas subalit parang kahapon lamang ang mga pangyayaring naganap sa aking buhay. Mga bagay na sumasagi sa aking isipan tuwing babalikan ko ang nakaraan. Isang ala-alang kaysarap gunitain – ang aking buhay.
Sa isang maingay na pook sa Otis Metro Manila ako sumilay ng liwanag. Noong ika-25 ng Enero 1974, isang malusog na sanggol na lalaki, ng dalawang kaluluwang pinagbuklod ng pag-ibig ang isinilang. Pangalawa sa tatlong magkakapatid, iminulat kami ng aming mga magulang sa isang maayos at payak na pamumuhay. Pinalaki ng busog sa mga pangaral at pagmamahal, ipinaunawa sa amin ang pagtitipid at tiyaga upang mabuhay,
Kay ina ko natutuhan ang pagbasa at pagsulat sa murang edad. Bagamat hindi nakapagtapos ng pag-aaral sa sekondarya, matiyaga kaming sinubaybayan ng aming ina bilang aming unang guro. Sa kanya ko rin natutuhan ang mga bagay na dapat isaalang alang ng isang mananampalataya gaya ng pagdarasal at pamumuhay ng naaayon sa kagustuhan Niya.
Nagsimula ako ng aking pag-aaral sa Mababang Paaralan ng Bagong Nayon I sa Antipolo, Rizal. Bilang isang sundalo, ang aming ama, ay madalas wala sa aming piling. Subalit hindi naging daan iyon upang hindi kami lumaking maayos. Ang aming ina ang naging tagasubaybay naming. Madalas ang panonood ng telebisyon ay maaari lamang tuwing araw ng Biyernes at Sabado. Sa gabi matiyagang inaalam ng aming ina kung natapos at nasagutan namin ng tama ang aming mga aralin. Ipinamulat sa amin ng aming mga magulang ang kahalagahan ng edukasyon upang mapabuti ang aming kalagayan sa buhay. Bilang bunga ng kanyang paghihirap nakatapos ako ng elementarya at nagkamit ng unang karangalan gaya ng aking nakatatandang kapatid na babae samantalang ang aming bunso ay ikatlong karangalan.
Sa Joseph Marello Academy ako nag-aral ng sekondarya. Dahil sa kagustuhan ng aming mga magulang na makapagtapos kami ng pag-aaral tumanggap ng labada ang aming ina upang makatulong kay ama. Dahil sa mga pangyayaring ito ay nagsikap kaming magkakapatid sa aming pag-aaral. Nakapagtapos ako ng sekondarya bilang valedictorian ng aming klase.
Kumuha ako ng kursong Computer Engineering sa Polytechnic University of the Philippines taong 1991. Dito marami akong nakilalang kaibigan na naging kasama ko sa lahat ng mga bagay sa aking buhay kolehiyo. Madalas kailangang magtipid upang may panggastos sa mga proyekto at pambili ng libro. Hindi pumayag ang aming mga magulang na kami ay maging working student. Palagi nilang sinasabi na mag-aral kaming mabuti upang makapagtapos. Kapag bakasyon naghahanap ako ng mga mag-aaral upang itutor o kaya naman ay bilang tagabantay ng shop na malapit sa aming bahay habang ang aking ate ay sales lady o tutor din. Matagumpay kaming magkakapatid nakapagtapos ng pag-aaral sa PUP. Labis ang kasiyahan ng aming mga magulang sa araw ng aming pagtatapos. Nakita rin nila ang katuparan ng kanilang pangarap na kami ay mapagtapos ng pag-aaral.
Ilang sandali pa ay naulinigan ko ang tunog ng bell, hudyat bilang pagsisimula ng klase. Tumayo ako upang ihanda ang mga gagamitin ko sa aking pagtuturo sa aking pagtuturo. Habang binabagtas ko ang daan patungo sa aking silid-aralan hindi ko pa ring mapigilang magpasalamat sa Panginoon at muling sariwain ang nakaraan.
1 comment:
pareho pala tayo sir... your blog site really encourage me to continue reading the other posts. i'm enjoying every post that i had read.
regards here.
Post a Comment