Ilan na nga ba sa atin ang nangarap ng isang magandang kinabukasan dito sa ating bansa? Isang bansa kung saan tayo ay may kalayaan, masagana, masaya at payapa.
Kung ating susuriin ang mga kaganapan sa ating paligid at sa buong mundo maaaring masabi natin na hindi lamang tayo ang nakararanas ng ganito bagkus mapalad pa tayo sapagkat sanay na tayo sa ganitong kalagayan at kaya nating lagpasan ang lahat ng ito. Subalit pilit ko pa ring hinahanapan ng kasagutan ang ilang katanungang maaring magpabago sa tinatahak nating landas.
Pilipinas san ka patungo kung ang mga namumuno sa ating bayan ay mga lider na nagmula din sa angkan ng mga pulitiko na patuloy na nagsasamantala para sa pansariling interes at hindi sa kapakanan ng bayan?;
Pilipinas san ka patungo kung ang mga musmos ay wala ng kakayahang mangarap at sa halip ay mamuhay na lamang ng mahirap na kanilang nakagisnan sa kanilang paglaki?;
Pilipinas san ka patungo kung ang mga kabataang nagsipagtapos ng pag-aaral ay naghahangad na makipagsapalaran sa ibang bansa upang maghanap ng kaginhawaan sa halip na manatili at linangin ang kanilang karunungang natamo upang maglingkod sa bayan?;
Pilipinas san ka patungo kung ang mga kabataan ay naghahanap ng personalidad na kanilang dapat tularan kaysa umukit ng kanilang sariling pagkakakilanlan?;
Pilipinas san ka patungo kung ang mga propesyunal gaya ng doctor, nars, inhenyero, siyentipiko, guro at iba pa ay mas piniling paglingkuran at pagyamanin ang ibang bansa imbes na tumulong sa pagpapaunlad ng Inang bayan?;
Pilipinas san ka patungo kung ang mga mamamayan na dapat sana’y magkaisa at magsumikap upang ika’y umunlad ay manatiling umaasa ng kaginhawaan sa mga kinauukulan?;
Pilipinas san ka patungo kung ang bawat isa ay walang pakialam at hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng iba sa kanilang mga gawi na maaaring magdulot ng kapahamakan sa nakararami?;
Pilipinas san ka patungo kung ang pamilya na syang pundasyon ng isang bansa ay patuloy na mawawasak bunga ng hindi pagkakaunawaan dahil sa kawalan ng panahon at komunikasyon ang bawat isa?
Marahil ang kasagutan ay nasa bawat isa. Ang pamilya na s’yang may mahalagang papel sa paghubog ng bawat miyembro nito ang dapat bigyan ng pansin at suriin kung nagampanan nga nito ang responsibilidad na kaakibat sa pagbuo nito. Kung ang bawat pamilya at mga kasapi nito ay kikilos ng naaayon sa tama at wasto maaaring bukas makikita natin ang mga pagbabagong ating minimithi. Pilipinas isang bansang payapa, maunlad at masagana.